Harasment ng mga paramilitary groups sa mga guro, kinundena ng SOS Network

Kinundena ng Save Our Schools (SOS) network ang panibagong kaso ng harasment, pananakot at interogasyon ng mga elemento ng Magahat/Bagani  paramilitary group sa mga parateachers at mga silbilyan sa San Miguel, Surigao del Sur noong Agosto 9 na nagbunsod ng sapilitang paglikas ng mga biktima.

Sa ulat ng Tribal Filipino Program of Surigao del Sur (TRIFPSS), dumating ang 12 armadong kalalakihan na nakasuot ng military uniform na pinamumunuan nina Marcos Bocales at Kalpit Egua sa Purok 16, Sitio Nalindog, Brgy. Bolhoon at sapilitang pinalabas ang mga residente sa kanilang mga bahay. Inihiwalay ang mga babae at lalaki, kabilang ang mga bata at isa-isa silang ininterogeyt, hinaras at pinagbintangang mga tagasuporta ng New People’s Army (NPA).

Ayon kay Kharlo Manano, SOS Network lead convener, hindi rin pinalampas ng mga paramilitary ang mga guro ng Nalindog Tribal Community School na pinatatakbo ng TRIFPSS. Pinasok ng mga ito ang bahay ng mga guro na sina Regine Tejero at Angel Vocales na limang buwang buntis. Tinututukan nila ng baril ang dalawa habang pilit kinukuha ang cellphone ni Regine at tinakot na papakainin umano sya ng bala kung hindi ibibigay. Maging ang guro ay binansagang mga NPA at ang TRIFPPS bilang eskwelahan ng mga rebelde. Nagbanta rin ang mga ito na susunugin ang mga silid aralan kasama ang mga guro sa loob.

Dagdag pa, sapilitang ginawang giya ang magkapatid na Lawrence at Berios Bocales palabas ng komunidad.

“Ang kasong ito ay dagdag muli sa mga kasuklam-suklam na pang-aabuso ng AFP sa pakikipagtulungan sa mga grupong para-militar na sila din mismo ang nagbubuo. Ito ay isa na namang malalang pag-atake sa mga estudyante at guro ng mga lumad community schools sa Mindanao”, ani Manano.

Bunsod ng matinding takot at trauma na kanilang naranasan, sapilitang lumikas  ang mahigit 45 pamilya noong hapon ng araw ding iyon. Hindi na rin nakapagbukas ng klase ang TRIFPSS simula noong Agusto 10. Kasalukuyan namamalagi ang mga bakwit sa Bolhoon Barangay Hall, Gym at Daycare Center.

Ikinabahala ni Manano ang patuloy na paglaki ng bilang ng mga bakwit habang may mahigit 700 Manobo sa Davao City ang hindi pa rin nakakauwi sa kanilang mga komunidad dahil sa patuloy na presensya ng mga militar.

“Sa ilalim ng counter-insurgency program ng pamahalaan na Oplan Bayanihan, hindi mga rebeldeng grupo ang nauubos, kundi mga sibilyan na lumilikas sa takot at mga paaralang winawasak ng mga sundalo,” giit ni Manano.

Simula Enero hanggang Mayo ngayon taon, nakapag dokumento ang SOS Network ng 19 insidente ng pag-atake ng mga militar sa mga lumad community schools. Hindi pa rito kasama ang naitalang kaso ng pagsira sa opisina ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (ALCADEV), at harassment ng mga myembro ng 67th IBPA sa mga estudyante at guro ng Mindanao Interfaith Services Foundation, Inc. Academy (MISFI) nitong Hunyo.

“Panawagan namin sa mga kongresista at mga senador sa darating na budget hearing na huwag nang bigyan ng pondo ang DND at AFP dahil nagagamit lamang sa paglabag sa karapatan ng mga bata at mamamayan.” Pagtatapos ni Manano. ###

2 thoughts on “Harasment ng mga paramilitary groups sa mga guro, kinundena ng SOS Network

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s